Ang Bakas ng Nakaraan sa Pelikulang “Liway”

Director Kip Oebanda • Screenplay Kip Oebanda & Zig Dulay • Editor Chuck Gutierrez• Cinematography Pong Ignacio • Production Design Aped Santos, PDGP • Original Music Nhick Pacis • Sound Design Wildsound • Line Producer Jed Medrano • Producer Alemberg Ang • Production Manager Lucky Jay De Guzman

Taunang itinatampok sa Cinemalaya ang pagdiriwang sa kahusayan ng mga Pilipino sa larangan ng pelikula. Isa itong malayang patimpalak na ginanap noong ika-3 hanggang 12 ng Agosto ngayong taon. Isa sa mga pinakapumukaw sa pansin ng madla ang pelikulang “Liway” ni Kip Oebanda, dahil angkop sa mga kaganapan sa panahon ngayon ang paksa at tema ng pelikulang ito. Dagdag pa rito, kamangha-mangha ang pagbubukas ng direktor at sumulat sa istorya ng kanyang sariling karanasan buhay na mas naglapit sa puso ng mga tao. Umabot ng 100 minuto ang naging pagtakbo ng pelikulang ito na pinangunahan ng isang batikang aktres na si Glaiza de Castro.

Hindi karaniwang nangyayari sa pang-araw-araw na buhay ang istorya sa pelikulang ito. Si Dakip, ang batang ipinanganak at lumaki sa Kampo Delgado, isang pansamantalang kulungan para sa mga kriminal at rebelde noong Martial Law. Hindi pa niya nararanasang mamuhay sa labas ng kulungan kaya’t kinukwentuhan siya ng kanyang ina na si Day tungkol sa isang diwatang nagngangalang si Liway na isang piksyonal na karakter na gawa niya upang mailigtas siya sa trauma ng realidad. Dumating sa punto kung saan pinili ni Day at ng kaniyang asawa na si Ric na mapalayo sa kanilang anak kapalit ng kaniyang kalayaan at pagiging isang normal na bata sa labas ng kampo.

 


Unang Aspekto: Ipinapakita ang bahid ng Martial Law sa mga tauhan at pangunahing gumawa ng pelikula.

Kung mas lalong sisiyasatin ang buod, hindi natin maiisip na nangyari ito sa totoong buhay. Ayon sa akdang History in the text ni Resil Mojares, ang pagiging historikal ng isang tekstro ay hindi lamang tumutukoy sa paksa, banghay o tema. Maaaring makita ang historikal na aspekto nito sa mismong naratibo na nakaugat sa mga tiyak na panahon at lugar. Direkta nating makikita ang ugnayan ng mga karakter sa isang historikal na kaganapang nangyari noong dekada ‘70, ang Martial Law. Binigyang buhay ang mga tauhan noong panahong iyon sa isang pelikulang mismong ang batikang manunulat at direktor na si Kip Oebanda ang nagbigay direksyon upang mas madama ang pagiging taos-puso at makatotohanan ng pelikulang ito. Dahil sa kanyang perspektibo, tila ba nagkaruon ang mga manunuod ng direktang pakikisangkot sa mga kaganapan noong nakaraan. Si Kip ang totoong buhay na karakter ni Dakip na pinagbidahan ng aktor na si Kenken Nuyad.


Hindi lamang ang mga tao sa likod ng produksyon ang may malalim na pakikisangkot sa historikal na aspekto ng pelikula. Ang isa sa mga pangunahing tauhan naman na si Glaiza de Castro ang sumisimbolo sa katatagan ng mga babae noong Martial Law. Malalakas at matatapang ang kaniyang mga nagdaang mga karakter sa mga pelikula’t palabas kung kaya’t labis itong nakatutulong sa pagbibigay buhay sa nais ipahayag ng pelikulang ito. Naging UN Women Ambassador for safe spaces at nanalo bilang Outstanding Women’s Rights and Protection Advocate si Glaiza samantalang ang Liway sa totoong buhay na si Ma. Cecilia Flores naman ang bumuo sa Visayan Forum Foundation na tumulong sa mga batang kababaihan laban sa human trafficking. Maganda ang pagrerepresenta ni Glaiza bilang aktres at ang kaniyang karakter sa tunay na buhay sa karakter ni Kumander Liway dahil sa pagkakapareho sa kanilang hangarin at pagkatao.

 


Ikalawang Aspekto: Paggamit sa mga awit tulad ng “Himig ng Pag-ibig” at “Pagbabalik” ng bandang Asin.

Kung minsa’y nalulumbay ang mga tauhan sa tuwing naaalala ang kani-kanilang sinasapit sa buhay. Dahil sa mga kaganapang nakapalibot tulad na lamang sa konteksto ng pelikula, ang Martial Law, nabuo ang ilang mga awit tulad ng “Himig ng Pag-ibig” at “Pagbabalik” ng bandang Asin. Matinding emosyon at mga buhos ng mga ala-alang ang dinadala ng mga kantang ito sa madla. Una, para sa mga millennials o mas matanda pa na direktang kasangkot o naging parte ng makasaysayang Martial Law. Tila ba nagbabaliktanaw ang lahat ng mga pangyayari at mga karanasan noong panahong iyon nang ipinaramdam ang awit na iyon. Para naman sa mga kabataan o ang tinatawag natin ngayon na Gen Z, ang kantang ito na nagpaparamdam sa atin ng mga emosyong bitbit ng bawat tauhan sa pelikula.

“Tulad ng ibong malaya ang pag-ibig natin, tulad ng langit na kay sarap abutin”

-Himig ng pag-ibig, Asin

Hindi sinasadyang maging isang political na awit ang Himig ng Pag-ibig. Ngunit bakas sa liriko nito ang pagiging awit ng pag-ibig na may halong pagmumulat sa mga mata ng mga tao sa realidad ng buhay. Ang mga kantang ito’y sumasalamin sa mga karanasan ng mga tao noong Martial Law. Tila ba kinukumpara ang ating pagmamahal sa bayan na makikita sa bahaging “Tulad ng ibong malaya, ang pag-ibig natin” ng liriko kung saan ang hangaring maging malaya ang naging dahilan kung bakit patuloy na lumalaban ang bawat Pilipino. Upang makamit ang kalayaan, para sa bayang ating giliw. Ang bahaging “tulad ng langit na kay sarap marating” naman ang naglalarawan sa kanilang pinapangarap na makamit at upang magkaruon ng motibasyon ang mga mamamayan dahil sa ganitong representasyon ng kanilang kalayaan. Ilan sa kanilang mga likha ng bandang asin ay kinumpiska dahil sa mga nilalaman nitong mga mensahe.

“Bayan ko, nahan ka
Ako ngayo’y nag-iisa
Nais kong magbalik
Sa iyo, bayan ko”

– Pagbabalik, Asin


Ikatlong Aspekto: Bahid ng Kasaysayan sa Pagsasalaysay sa Pelikula

Maliban sa awit ay nakakapagbigay mensahe tayo sa pamamagitan ng mga kuwento. Ang ginawang moda ng pagsasalaysay sa pelikulang ito ay hindi lamang mula sa mismong pagbabahagi ng kuwento ng buhay ng direktor. Ibinahagi din dito ang sariling likhang kuwento ni Liway sa kaniyang anak na si Kip gamit ang mga anino ng kaniyang mga kamay. Isa itong uri ng panitikan na tulad din ng mga epikong pasalitang sinasalin ng mga katutubo noong sinaunang panahon, ngunit nadagdagan ng biswal na representasyon sa mga tauhan sa naging kuwento. Miski ngayon ay mayroon pa ring mga magulang na pilit tinatakpan ang mga mata ng kanilang mga anak sa katotohanan upang mamuhay lamang sila ng normal at malayo sa masalimuot na katotohanan ng daigdig. Karaniwang ginagamit ito ng mga mamamayang kasapi sa mga gyera o di kaya’y kakagaling lamang sa mga delubyo. Dagdag pa rito, nagmistula na ring testimonya at pagsasalaysay ng isang masalimuot na karanasan noong batas militar ang buong pelikula. Naging kakaiba ang paraan niya ng pagpapahayag at tumaliwas sa karaniwang pasalita at sulat-kamay lamang ang mga nagdaang mga testimonya.


Pagtatapos: Papel ng Martial Law sa pagbuo ng kabuuang Tema

Sa makatutal, malaking bahagi ng pelikula ang nilikha ayon sa mga karanasan noong panahon ng Martial Law. Bakas naman sa kabuuan ng pelikula na ito ay hango sa mga tunay na karanasan nuong panahon ng diktadurya ni Marcos. Ngunit bakit nga ba ngayon lamang nagsilabasan at dumami ang mga naggagandahang mga pelikula na may kaparehong tema sa loob lamang ng isang taon. Bukod sa “Liway” ni Kip Oebanda, ipinalabas din ngayong taon ang “ML” ni Benedict Mique, “Citizen Jake” ni Mike de Leon, at “Ang Panahon ng Halimaw (Season of the Devil)” ni Lav Dia.

Kung maaalala natin, dalawang taon na ang nakalipas nang naupo sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte. Isa siyang taga-hanga ng dating pangulong Marcos, at hindi malayong ibalik niya ang Batas Militar. Maaaring isa ito sa dahilan o naging inspirasyon ng mga manunulat at gumagawa ng mga pelikula upang magbukas sa mga mata ng madla na maaaring magbalik ang kanilang kinatakutan noong dekada ‘70. Kung kaya’t hindi nga talaga kinakailangang ang mismong nakaraan o nakalipas ang paksa ng teksto dahil hindi malayong mangyari sa kasalukuyan ang mga pangyayari sa nakalipas.

Duterte_Marcos_CNNPH

Sanggunian
Asin. “Himig ng Pag-ibig lyrics”. Asin Collection. Accessed September 18, 2018.https://genius.com/Asin-himig-ng-pag-ibig-lyrics

Cabato, Regine. “The emancipation of Glaiza de Castro” July 27,2018. Accessed September 4, 2018 http://cnnphilippines.com/life/entertainment/film/2018/07/27/glaiza-de-castroliway.html

Cinemalaya. “Liway” Accessed September 6, 2018. http://www.cinemalaya.org/liway/

Cinetactic. “Liway: A tribute to our fallen heroes”. August 6, 2018. Accessed September 6,2018. https://cinetactic.com/2018/08/06/liway-a-tribute-to-our-fallen-____heroes/

Chilton, Martin. “Protest songs: posing or inspiring”. March 8,2011. Accessed September 15,2018.https://www.telegraph.co.uk/culture/8362528/Protest songs-posing-or-inspiring.html

Cruz, Marinel R. “Catu’s ‘Dapithapon’ named best picture in Cinemalaya 2018” August 12,2018Accessed September 6, 2018. http://entertainment.inquirer.net/288243/cinemalaya-2018-winners

List of Films about Martial Law. https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_films_about_martial_law_in_the_Philippines

Lolita Carbon. “Voice of Earth”. 2006. Accessed September 5,  ____2018.http://www.lolitacarbon.com/about.html

Malacañang. “Mga Epiko at kuwentong bayan”. Accessed September 18, 2018.     http://malacanang.gov.ph/75495-mga-epiko-at-kuwentong-bayan/

Mojares, Resil B. “History in the Text”. Sugbo, Victor.ed. Tinuha: History in  Philippine Literary Texts. Manilla: National Commision for Culture and the Arts 2003.

Placido, Dharrel. “Nationwide martial law? Duterte says ‘all options are on the table’”December 13,2017. Accessed September 4, 2018.https://news.abscbn.com /news/12/13/17/nationwide-martial-law-duterte-says-all options-are-on-the-table

Repelente, Terrence. “The Reel Life of Kip Oebanda.” July 29, 2018. Accessed September 4, 2018.https://lifestyle.mb.com.ph/2018/07/29/the-reel-life-of-kip-oebanda/

Uche, Onyebody. Music as a Platform for Political Communication (20). IGN.Global. ____2017

 

Sanggunian (Larawan)

Anti-trafficker attracts power brokers. Larawan ni Cecilia-Flores Oebanda o Kumander ____Liway. July 8, 2015. Accessed September 10, 2018. Mula sa:  ___https://cdn.cnn.com/cnnnext/dam/assets/130506182307-oebanda-2005-story-top.jpg

Bacungan, VJ. “Duterte hopes people forgive Ferdinand Marcos” November 18, 2016.     ____Accessed September 11, 2018. Mula sa     ____http://cnnphilippines.com/news/2016/11/18/Duterte-hopes-people-forgive-Ferdinand-____Marcos.html

Cinemalaya. “Liway” Accessed September 6, 2018. Mga larawan sa mismong produksyon   ____mula sa http://www.cinemalaya.org/liway/

List of Films about Martial Law (Larawan ng Citizen Jake, Liway, ML, at Panahon ng   ____Halimaw. 2018.)Accessed September 20, 2018. Mula sa: ____https://en.wikipedia.org/wiki/List_of_films_about_martial_law_in_the_Philippines

Pao. Larawan ni Glaiza de Castro Augusto 30, 2018. Accessed September 11, 2018. Mula   ____sa: https://www.pilipinonews.com/2018/08/30/glaiza-de-castro-may-ibinunyag/

Reynante, Rafael. Lupang ipinangako: Balita by asin, revisited. February 24, 2016.   ____Accessed September 11, 2018. Mula sa http://www.onemusic.ph/news/a-song-of-       ____conflict-change-and-hope-165

TEDxYouth. “Saving Happiness”. Larawan ni Kip Oebanda. April 29, 2014. Accessed   ____September 10, 2018. Mula sa https://www.youtube.com/watch?v=ST5SAemCgX0

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s